Iba’t ibang mga contest ang napapanood natin.
Minsan ba naisip mo rin kung para saan ang talento
na mayroon ka at kung bakit ka mayroon nito?
Iba’t iba man tayo, lahat tayo ay may angking
talento. Ito ay isa sa mga biyaya na binigay sa atin
ng Panginoon. Ito ang ating regalo mula sa Kanya.
Kaya napakaganda at napakahalaga na gamitin
natin ito sa tamang paraan upang ipagpasalamat
ang natanggap nating talento mula sa Panginoon.
Kailangan lamang na alamin natin ito upang magkaroon
ng mas makabuluhang buhay ang bawat isa sa atin
at maging kapakipakinabang para sa ating sarili.
Isang dahilan kung para saan ang ating talento ay upang
MAGING INSPIRASYON SA IBA
“Kung kaya nila, kaya ko rin.”
“Bakit hindi natin subukan ito? Ang Galing!”
“Kung nagawa ko, magagawa mo rin.”
Ilan lamang ito sa mga nasasabi natin kapag nakakakita
tayo ng mga bagay na kahanga-hangang ginawa
ng ibang tao gamit ang kanilang talento.
Ito rin ang naiisip ng iba na nakakakita ng ating
talento at nagiging inspirasyon para gamitin nila ang
kanilang kakayahan para maging inspirasyon sa iba.
Parang domino effect at maganda ito dahil nagagamit
natin ang ating kakayahan sa maganda at mas
kapakipakinabang at makabuluhang paraan.
Nagiging inspirasyon rin ang ating failures and challenges
sa iba. Napapakita natin kung paano natin nakayanang
lampasan ang mga pagsubok para maging successful.
Nagiging instrumento rin ang ating talento para maipamalas
sa iba na ang ating kakayahan ay hindi lamang nagpapasaya
sa atin, kundi nakatutulong din sa ating buhay.
Maliban sa pagiging inspirasyon, pinapakita rin natin ang
ATING PAGIGING MAKABAYAN
Napakasarap na maipagmalaki ang yaman ng ating
kultura at ipamalas ang galing ng pagiging Pilipino.
Kasama na rin dito ang pagkakaisa natin sa pagsuporta.
Kailangan din natin upang maipasa sa mga susunod na
henerasyon ang umaalab na talento ng bawat Pilipino at
magkaroon ng legacy sa mga kabataang Pilipino.
Naipamamalas din natin na kaya nating makipagsabayan
sa buong mundo at ipagmalaki ang sariling atin. Ito ang
nagiging daan upang mapag-isa ang ating bayan.
Sa tulong din ng ating talento, napapakita natin ang
pagkakabuklod ng mga pamilya at nagbibigay saya sa
mga kaanak at pamilya saang dako man ng mundo.
Sa paraang ito, mas pinayayaman natin ang ating pagkatao
at mas nakikilala natin ang ating sarili upang mas mapaunlad
natin ang kakayahan at talento na mula sa ating mga ninuno.
Higit sa lahat, ang paggamit ng ating talento ay upang
IPAGPASALAMAT SA PANGINOON
Sa tulong ng ating talento, nalalayo tayo sa mga gawaing
hindi kanais-nais na maaaring makasira ng ating pagkatao
at makagulo ng buhay ng ibang tao sa paligid natin.
Ang ating talento ay biyaya ng Panginoon sa atin, kaya
marapat lamang na gamitin natin ito at huwag sayangin
upang maibalik sa Kanya ang pasasalamat mula sa atin.
Marami man sa atin ang nag-iisip na walang mararating
ang ating talento at walang maitutulong sa pag-unlad
ng ating buhay, pero mas alam dapat natin ang totoo.
Nasa puso natin ang umaalab na talento, kailangan lamang
natin matutunan kung paano at kung saan natin ito dapat
gamitin upang hindi tayo magkaroon ng mga regrets.
“Sana ginawa ko ito noon.”
“Sana sinunod ko ang aking passion.”
“Sana napakita ko sa iba ang totoong kakayahan ko.”
Hindi pa huli ang lahat para ipamalas ang ating angking
talento sa iba at ibahagi ito upang mas mapagyaman.
Dahil ang bawat isa ay biyaya mula sa Panginoon.
“Huwag balewalain ang talento na binigay sa atin
dahil ikaw mismo ang biyaya para sa mundo natin.”
– Chinkee Tan, Filipino Motivational Speaker
THINK. REFLECT. APPLY.
- Anu-ano ang mga pumipigil sa ‘yo para ipakita ang iyong talento?
- Paano mo mas pagyayamanin ang talentong ibinigay sa ‘yo?
- Sinu-sino ang mga inspirasyon mo upang mas pagbutihin ang iyong talento?
Chinkee Tan is a Wealth Coach, Keynote Speaker, and Best-selling Author on personal finance and wealth management. He has written 16 best-selling books and counting. His mission is to equip millions of Filipinos to be free from financial stress & experience financial freedom.