Desisyon ng dalawang tao ang pasukin ang pag-aasawa.
Mahalagang kasunduan ito na kailangan ay buo ang
loob ng bawat isa at may sapat na kahandaan.
Kasama sa kahandaan nito ay ang mas malalim na
pag-unawa sa sakripisyo at sa pagmamahal sa isa’t isa.
Mahalagang matutunan ng bawat isa na mas umunawa.
May mga gawain na kailangan na ring iwasan
dahil mayroon na tayong mas malalim na responsibilidad.
At kailangan natin ng bukas na kaisipan para dito.
Kaya dapat hindi na kanya-kanya ang plano natin.
DESISYON NATING DALAWA
“Bahala ka sa buhay mo.”
“Pera ko naman ito eh.”
“Wala akong pakialam sa desisyon n’ya.”
Kung puro ganito ang pananaw at pag-iisip
natin, ano ang saysay ng pagkakaroon ng asawa?
Bakit tayo papasok dito kung hindi pala tayo magkakasundo?
Ang desisyon ng bawat isa ay makaka-apekto na nang
malaki sa buhay din ng isa. Kaya mahalagang magkasundo
bago pa man pasukin ang mas malalim na pagsasama.
Lalo na kung may mga anak na dapat isaalang-alang.
Hindi lang sarili natin ang ating iisipin kundi pati na
rin ang mararamdaman at makikita ng ating anak.
Kaya kahit gustuhin man natin na magkanya-kanya,
we need to be mature in every decision that we make.
Hindi ito tulad noon na buhay lang natin ang iisipin natin.
Kaya dapat din nating tandaan na anumang ang
maaaring mangyari, ang bawat desisyon natin ay
GAGAWIN NATING DALAWA
“Ikaw nakaisip n’yan di ba? Desisyon mo yan eh.”
“Ikaw na ang magaling. Ako na ang walang alam.”
“Gusto mo ikaw lagi ang nasusunod.”
Hindi pagalingan sa isang relasyon. Hindi natin kalaban
ang ating asawa at hindi natin kailangan makipag-
compete. Lalo na kung makikita ito ng ating mga anak.
Mahirap na mahati ang respeto ng ating mga anak
lalo na pagdating sa pakikipag-usap at pag-open up.
Kailangan din ay pantay ang tingin sa atin ng ating anak.
Walang kampihan ang kailangan mangyari kung nakikita
at nararamdaman ng ating anak na maaari n’yang
malapitan ang bawat isa.
Mangyayari lamang ito kung parehong gagawin at
susundin ng mag-asawa ang sarili nilang desisyon.
Para alam ng anak natin na iisa lamang ang susundin.
Kaya mahalaga rin na ang lahat ay
PINAG-UUSAPAN NATING DALAWA
“Cold war na naman. Hindi mo na naman ako kakausapin.”
“Paano ko malalaman eh hindi ka nakikipag-usap?”
“Manghuhula na naman ako? Akala mo alam ko na dapat?”
Alam kong hindi maiiwasan na minsan parang paulit-ulit
na lang ang pinagtatalunan ng mag-asawa kaya tuloy
nakasasawa na rin na pag-usapan pa ang mga ito.
Pero kailangan nating isipin at isantabi ang pride. Yes.
Dapat talaga ay pag-usapan ang puno’t dulo ng lahat
ng pagtatalo at para maiwasan na ang paulit-ulit nito.
Set boundaries. Yes. May hangganan na. Tulad ng
pakikipag-party sa labas o kaya inuman kasama ang
boys o kaya shopping kasama ang mga girls.
Bakit? Kasi may iba na tayong priorities. Mas kailangan
na nating i-prioritize and ating pamilya. Hindi naman
kailangan na itigil pero kung dapat, itigil na rin ang iba.
Hindi na ito ang tulad noon nung mga dalaga at binata
tayo na maaari nating gawin ang kahit na ano. Tapos
na ang puntong ganito sa buhay natin.
“Wala nang “Ikaw at Ako”. Wala nang kanya-kanya…
dahil mayroon nang “Tayo”. At bubuo tayo ng buhay na masaya.”
– Chinkee Tan, Filipino Motivational Speaker
THINK. REFLECT. APPLY.
- Paano kayo nagkakasundo para sa isang desisyon?
- Tuwing kailan kayo nag-uusap tungkol sa mga malalalim na bagay para sa inyong pamilya?
- Paano n’yo pinapatupad ang bawat desisyon sa inyong pamilya?
Chinkee Tan is a Wealth Coach, Keynote Speaker, and Best-selling Author on personal finance and wealth management. He has written 16 best-selling books and counting. His mission is to equip millions of Filipinos to be free from financial stress & experience financial freedom.