Panahon na naman para pumili ng karapatdapat
na mamumuno sa ating bansa. Isa ito sa mga
responsibilidad natin bilang mamamayan.
Mahalaga na sa ating pagboto, malinaw sa atin
ang pangangailangan ng ating bansa at ito dapat
ay matugunan ng mga pipiliin nating pinuno.
Kaya ilan lamang ito sa mga katangian na sa tingin
ko ay kailangang angkin ng mga mamumuno
para matugunan ang mga suliranin ng ating bayan.
Karapatan natin pumili nang hindi natatakot at hindi
puno ng utang na loob para sa mga kandidatong
iboboto natin para sa kinabukasan nating lahat.
MATALINO AT MAY ALAM
Iba ang matalino sa may alam. Marami tayong kilala
na matalino pero hindi alam ang magluto o ‘di alam
kung paano sumayaw. Kaya dapat may alam din.
May alam sa paggawa ng batas at pagpapatupad ng
batas para sa ating bansa. Lalung-lalo na alam
din ang makabubuti para sa ating ekonomiya.
Maraming valedictorian na may kanya-kanyang
expertise, kaya ang pipiliin natin ay hindi lang basta
matalino kundi alam ang pamamalakad sa bansa.
Mahalaga na kayang umintindi ng estado ng ekonomiya
dahil ‘yan ang isa sa pinakamahalaga para hindi
tayo magulat sa biglang pagtaas na naman ng mga bilihin.
Mahalagang may puso sa bawat Pilipino at may
malasakit sa kapwa at hindi pansariling kapakanan
ang mas inuuna at mas pinahahalagahan.
MAGALING AT MAY NAGAWA
Oo maraming magaling magsalita at mangako pero
kapag tiningnan natin ang kanilang panunungkulan,
wala namang nagawa para sa ating bayan.
Kailangan din hindi lang basta may naipasang batas
kundi may pakinabang na batas para sa ating bayan
at hindi para lang may masabing may nagawa.
Maraming batas ang isinusulong, pero alin lang ba dito
ang may kabuluhan para sa buhay ng ating mamamayan?
Kaya isiping mabuti ang nagawa at magagawa pa nila.
Karapatan natin ito at kalayaan nating pumili ng
tamang iluloklok na mambabatas sa ating bansa. Hindi
lamang ito sa atin pero para na rin sa ating mga anak.
Kinabukasan nila ang ating iniisip at mahalaga bilang
magulang na pumili tayo ng mga mamumuno na
makabubuti para sa kinabukasan ng ating mga anak.
MABUTI AT MAY MAAYOS NA RECORD
Kaya mahalaga rin na ang mamumuno sa ating bayan
ay ang mga taong may mabuti at maayos na record.
Hindi lamang ito pagandahan at pagwapuhan, ‘di ba?
Maayos ba ang record nila nung hindi pa sila
nanunungkulan? Maayos din ba ang record ng kanilang
pamilya at ang mga panahon na namuno sila?
Alamin natin kung tama ba na pamunuan din nila
ang ating bayan. Sila ba ay may maayos na relasyon
sa Panginoon at hindi pakitang-tao lamang?
Pahalagahan ang bawat araw na dumaraan at suriing
mabuti ang mga pangalan na ating isusulat sa balota.
Hindi dapat random ang pagpili. Pinag-iisipan dapat ito ng mabuti.
Huwag nating isiping walang saysay ang mga boto natin
dahil sa atin nakasalalay ang kinabukasan natin kaya
dapat tayong bumoto nang tama at huwag itong sayangin.
“Tayong lahat ay dapat bumoto tuwing election
dahil isa ito sa ating mga karapatan at obligasyon.”
– Chinkee Tan, Filipino Motivational Speaker
THINK. REFLECT. APPLY.
- Anu-ano ang iyong mga batayan sa iyong pagboto?
- Anu-anong suliranin ng ating bansa ang gusto mong tutukan ng ating mga pinuno?
- Anong pagbabago ang nais mong marating ng ating bayan?
Chinkee Tan is a Wealth Coach, Keynote Speaker, and Best-selling Author on personal finance and wealth management. He has written 16 best-selling books and counting. His mission is to equip millions of Filipinos to be free from financial stress & experience financial freedom.